manananggal terrorizes manila*

Posted July 23, 2007 by haligingasin
Categories: Uncategorized

photo courtesy of arkibongbayan.org

di pa nakuntento sa higit na 800 biktima ng extrajudicial killings, mas kahindikhindik pang mga halimaw ang pakakawalan ni gloria. sa isang banda ay kinukundena raw niya diumano ang mga pamamaslang, ngunit susog niya sa kabilang kamay ang hsa, na hindi lamang ang mga militante ang maaaring targetin kundi ang mga simpleng sibilyan. at sabi pa niya, “we do not fight terror with terror,” bilang pagtanggi na maaring maghasik ng terorismo ang estado– na sa katotohanan, ito ang pinakamabangis na porma ng terorismo.

lahat ng ito ayon sa sa kumpas ng pandaigdigang gera ng amerika laban sa terorismo ayon sa kanilang pakahulugan. sa pustura at pananalita pa lamang ni gloria, di maikakaila ang wangis ng pasismo. sa kabila ng mga ibinabandilang kaginhawang hatid ng mga impastratuktura ng super regions ay ang walang kapararaang pandarahas sa mga aktibista at maging sa mga pangkaraniwang mamamayan na sa tingin niya sagabal sa kanyang vision, “anyone [who] gets in the way of the national interest and tries to block the national vision. From where I sit, I can tell you, a President is always as strong as she wants to be.” so marcosian. di na katakataka kung isa sa mga pumapalakpak sa session hall ay si imelda marcos.

ito na ang ikalawang sona na hindi ako sumama sa rali. magmula noong freshman ako sa diliman, hindi ako nagmimintis sa pagtambay sa harap ng ever gotesco. naisip ko rin namang dumaan kanina sa commonwealth pero di ko nagawa. antagal ko na ring di naaarawan.


*pasintabi kay jessica zafra

waking life

Posted June 3, 2007 by haligingasin
Categories: Uncategorized

celine at jesse sa waking life
“I am more afraid of losing consciousness
when I go to sleep, and that in my sleep
I will grow old and forget how desire
once drove me mad with wakefulness.”
-eric gamalinda, subterranean

nung wednesday ko lang na-realize na tapos na pala ang klase namin sa mowel. dahil makulimlim at katatapos lang ng ulan, mabilis akong tinablan ng lungkot. kahit papaano ay naging escape ko ang pagpasok sa klase sa highly-mechanized na routine ng trabaho. marami rin naman akong natutunan at naging kaibigan sa klase at sa production. isa siguro sa mga dahilan ko sa pag-enrol sa workshop ay ang malaman kung ano nga ba ang gusto kong gawin. hindi man ito nasagot sa pagtatapos ng workshop, kahit papaano nababalik na ang passion ko sa ilang mga bagay. nagawa kong bunuin ang mga klase (may isa akong absent) kahit na lagi akong kulang na kulang sa tulog sa loob ng dalawang buwan. ngayon tapos na workshop, humahanap muli kami ni E ng distraction– para lamang matawid ang mga buwang ilalagi pa namin sa trabaho.

na-realize ko rin na kulang na kulang pa rin ang nalalaman ko sa pagsusulat at sa pagpepelikula. amdami pa akong hindi nababasa, madami pang di napapanood. tila kailan lang (hay lampas kalahating dekada na pala) nang mag-umpisa akong mangolekta ng mga libro at pelikula. kaya nga halos maubos ang sweldo ko nang mamakyaw ko ng dvd sa metrowalk nung thursday. ok lang, for educational purpose naman.

pinahiram ng isang kaklase sa workshop ang vcd niya ng waking life sa akin . matagal na rin akong naghahanap ng kopya nito, laluna’t nauna na akong binaliw ni richard linklater sa before sunset at sunrise at a scanner darkly. pero siguro tama na ring sa edad na eto ko mapanood ang waking life, sa puntong hindi na ako masyado mangmang sa pilosopiya ng existentialism (hay naku, hindi simpleng being and becoming ang usaping ito kaya hindi madaling mag-claim na ang isang indibidwal na siya’y existential at/o existentialist), mga sulatin ni sartre, santayana at benedict anderson. pero sa totoo lang, maraming bahagi pa rin ng pelikula ang pinaulit-ulit ko para ganap na maintindihan. panahon na siguro talaga para muling magbasa. kahit sa wikipedia na lang muna in between tasks sa opisina. hehehe. kung magkapera ako (operative word: kung), sana makapagsubscribe ako sa mga online library. ngayon ko pinagsisihan kung bakit hindi ko napuno ang library card nung nag-aaral pa ako.

Magtanong. Maghamon. Magtangka. Makisangkot.

Posted April 17, 2007 by haligingasin
Categories: Uncategorized

kabataan party

sining ng pakikisangkot: baliktanaw sa mga obrang sister stella l. at orapronobis

Posted March 31, 2007 by haligingasin
Categories: Uncategorized


Maituturing na mahahalagang dokumento ng kasaysayan ng pakikisangkot ng pelikulang Pilipino ang mga obrang Sister Stella L.(1984) ni Mike de Leon at Orapronobis (1989) Lino Brocka. Gayong marami pang pelikula na nagawa noong dekada ‘70 at ‘80 ang naglarawan at tumuligsa sa pamahalaan at, sa pangkalahatan, sa sistemang panlipunan, namumukud-tangi ang Sister Stella L. at Orapronobis na lantarang tumalakay sa aktibismo at sa pakikisangkot bilang paraan ng paglaban sa namamayaning kaayusan. Dahil sa katangiang ito ng dalawang pelikula, naiigpawan ng mga obrang ito ang pagiging reliko na lamang ng nakalipas.

Dalawang dekada na ang nagdaan mula nang isapelikula ang mga ito, masasabi pa ring “napapanahon” ang mga obra sa kasalukuyang konteksto ng maligalig na sitwasyon ng bansa sa kinakaharap nitong krisis pampulitika sa ilalim ng pamahalaang Macapagal-Arroyo. Pagpatay sa mga aktibista at lider unyon, militarisasyon sa kanayunan, pakikisangkot ng mga taong simbahan sa pulitika, kaliwa’t kanang kilos protesta at labis na kahirapan ay ilan lamang sa mga isyung tinalakay sa mga pelikulang ito na kung tutuusi’y araw-araw na nakikitang mga imahe sa mga peryodiko at telebisyon sa ngayon.

Sa maraming bahagi, malaki ang pagkakatulad ng dalawang pelikula sa isa’t isa bukod sa kapwa isinulat ito ng batikang mamamahayag/manunulat na si Jose F. Lacaba (kasama si Jose Almojuela, Mike De Leon at Ricardo Lee sa Sister Stella L.) kahit na tumatalakay ito sa magkaibang rehimen. Idinirihe ni De Leon ang Sister Stella L. para sa Regal Films noong 1984, isang taon matapos paslangin ang lider ng oposisyon na si Ninoy Aquino na diumano’y nagpalawak sa kilusang laban sa diktadura. Ginawa naman ng namayapang pambansang alagad ng sining na si Brocka ang Orapronobis sa tulong ng mga prodyuser na Pranses bilang protesta sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa “liberal-demokratikong” rehimen ni Corazon Aquino, tatlong taon lamang matapos ng pag-aalsang EDSA.

Sangandaan

Sa pagbabalik-tanaw sa dalawang pelikulang ito, hindi nalalayo ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa mga naganap noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos o sa cacique democracy sa ilalim ni Cory Aquino. Ang mga pagkakahawig ng dalawang pelikula ang siya ring mga kantangian na nag-uugnay sa kasalukuyang sitwasyon. Bagamat tumatalakay sa mga unibersal na tema ng kahirapan, karapatang pantao, katarungan at kalayaan, sumesentro ang bawat pelikula sa partikularidad ng kani-kaniyang milieu.

Kahit na ang pinakamatingkad na usapin noong unang bahagi ng dekada ’80 ay ang nagpapatuloy na diktadurang Marcos sa kabila ng pag-alis ng batas militar, piniling talakayin ng Sister Stella L. ang problema sa paggawa at ang tumitinding kahirapan (na mas binigyang mukha sa sumunod na kolaborasyon ni Brocka at Lacaba na Bayan Ko: Kapit sa Patalim), hayagan na itong nagtatanong at nagbibigay ng alternatibong kasagutan. Tila ba nang-uudyok ang matagal nang sigaw at tanong: “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan?” Kung tutuusin, mas mapangahas pa nitong inilalantad ang ugat ng problema, sa pamamagitan ng madreng si Sister Stella Legaspi (na sinasabing hinalaw ang karakter kay Coni Ledesma, dating madre at ngayo’y kasapi, kasama ang asawang si Luis Jalandoni, na dati ring pari, ng National Democratic Front), iminulat ni De Leon maging ang mga manonood sa nakapanlulumong reyalidad ng isang kapitalistang sistema kung saan “ang pang-aapi ang siyang nagpapanatili sa kapangyarihan ng mga nang-aapi,” ayon na rin sa isang tauhan sa pelikula.

Rumurok ang pelikula sa pagdukot, pagtortyur at pagpaslang sa pangulo ng Republic Oil Labor Union na si Ka Dencio (Tony Santos) at sa panawagan para bigyang hustisya ang pagkamatay nito. Hindi na ito bago sa mga makakapanood ngayon ng pelikula. May ilang lider ng mga unyon na rin ang napapaslang sa loob lamang ng limang taong panunungkulan ni Gloria Arroyo. Dalawa sa mga ito ay sina Ding Fortuna, pangulo ng unyon ng mga nagwelgang manggagawa ng Nestle Philippines, at Ric Ramos pangulo ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Hacienda Luisita ng mga Cojuangco.

Wala Nang Tao sa Santa Filomena

Maihahalintulad naman sa panawagan ni Ginang Arroyo para sa all-out war laban sa mga komunista ang pagtugis ng grupo/kulto ng mga vigilanteng Orapronobis sa mga pinaghihinalaang rebelde sa pelikulang Orapronobis. Nanatiling limitado ang mga nakapanood ng pelikulang ito ni Brocka nang patawan ng X-rating ng MTRCB noong rehimeng Aquino. Tanging mga nasa akademya lamang ang nabibigyang pagkakataon na mapanood ito maliban na lamang sa mga patagong pagpapalabas ng pelikulang ito sa mga komunidad. Patunay ito na magpasahanggang ngayon, itinuturing pa rin ng pamahalaan at ng estado ang pagiging delikado ng pelikulang ito. Ngunit, kung tutuusin, wala na rin namang itatago ang pamhalaan mula sa mga nailantad sa pelikulang ito. Maliwanag ang mensahe ng pelikula: ang estado ang rekruter ng mga rebelde.

Kamakailan lamang nang mapabalita na naubusan na ng cedula ang mga barangay sa San Jose sa Nueva Ecija matapos ipag-utos ni Major General Jovito Palparan na ang bawat mamamayan na magdala ng cedula bilang pagkakakilanlan. Para kay Palparan, kung wala nito ang isang tao, nangangahalugang ito ay rebelde na dapat arestuhin at/o likidahin bilang bahagi ng anti-insurgency campaign sa Gitnang Luson. Kahit na kay Norberto Manero, pinuno ng kulto at vigilanteng pumatay sa Italyanong paring si Tulio Favali, pa unang hinulma ni Brocka ang tauhang si Kumander Kontra (Bembol Roco), hindi maikakaila ang pagkakahawig ng karakter na ito sa itinuturing na berdugo ng mga aktibistang si Palparan.

Humigit 700 na ang kaso ng extrajudicial killings sa bansa magmula nang iluklok sa EDSA 2 si Arroyo. Kalakhan ng bilang na ito ay sa mga rehiyon kung saan nakatalaga si Palparan. Taong 2002 nang magsilikas ang daan-daang Mangyan at mamamayan mula sa Mindoro matapos tugisin ng batalyong pinamumunuan ni Palparan ang mga kasapi ng mga ligal na militanteng grupo sa Timog Katagalugan. Noong 2004, pumalo ang dami ng mga pagpaslang at pagdukot sa mga lider aktibista at magsasaka sa Eastern Visayas nang madestino doon si Palparan. Ang paglikidang ito sa mga kasapi ng militanteng grupo ay walang ibang pagsisilbihan kundi ang pananatili ni Arroyo sa Malacanang. Maihahalintulad ito sa pagsasalarawan ni Brocka ng pasismo bilang panatisismo ng mga vigilante, na kinakatawan ni Kontra, sa altar ng kapangyarihan at karahasan.

Tumabo na sa 50,000 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitatala sa limang taong panunungkulan ni Arroyo. Hinihigitan na nito ang tinatayang 30,000 kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa halos dalawang dekada ng rehimeng Marcos at 20,000 kaso sa rehimeng Aquino. At tumataas pa ang kaso ng mga hamletting, extrajudicial killings, enforced disappearances at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa bawat araw ng pananatili ni Arroyo sa puwesto laluna nang ideklara niya ang all-out war laban sa CPP-NPA. Nagpahayag na ang iba’t ibang grupo ng mga human rights advocates, maging sa international community, ng pagkundena sa pamahalaang Arroyo sa di masawatang pagdami ng mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibista at kasapi ng media. Maliban sa isyung ito, laganap na rin ang pagkadiskuntento ng mamamayan sa pamahalaang Arroyo bunsod ng mga akusasyon ng pandaraya sa eleksyon, katiwalian at ang di maampat na krisis pang-ekonomya ng bansa.

Kung hindi tayo, sino?

Bukod sa political opposition, ang simbahan ang isa sa mga binabantayang sektor sa kanilang tindig sa kasalukuyang krisis. Inaantabayanan ang bawat pahayag o pastoral letter na inilalabas ng CBCP kaugnay ng krisis pampulitika. Patunay lamang nito na lumalawak ang pagkadiskontento sa pamahalaan at ang pagkahiwalay ng rehimeng Arroyo mula sa mamamayan. Bagay namang pinatunayan na sa kasaysayan na masisipat sa mga pelikulang Orapronobis at Sister Stella L. Kapwa alagad ng simbahan ang mga pangunahing tauhan sa dalawang pelikula—si Sister Stella Legaspi (Vilma Santos) na naghahanap ganap na pakikisangkot para sa pagbabagong hubog ng lipunan at si Jimmy Cordero, dating pari at napalayang detenidong pulitikal matapos ang pagbagsak ng rehimeng Marcos. Pagsanib ng simbahan sa taumbayan nang mag-aklas ang mga ito sa EDSA 1 at 2 ang isa sa mga salik sa pagtatagumpay ng mga ito.

Magmula sa usaping pulitikal, ang saklaw ng mga pagkakasala ni Arroyo at ng mga rehimeng bago ito ay nagiging usaping moral bagay na hindi mapapalagpas ng simbahan. O sa ibang pagtingin, sa paglala ng krisis, hindi maiiwasan ang pagiging pulitikal ng iba’t ibang sektor na dati’y nyutral gaya ng militar, simbahan at maging ang mga manggagawang kultural/alagad ng sining.

Kung kaya hindi kataka-taka sa panahon ng panunupil umuusbong ang mas mapapangahas pang akdang sining. Makikita sa Sister Stella L. at Orapronobis na itinutulak ang mga alagad ng sining na pumanig at makisangkot. Malinaw kung anong posisyon ang pinili nina Brocka at De Leon.

Kilala si Brocka sa pagiging aktibistang alagad ng sining. Siya ang nagtatag ng Concerned Artists of the Philippines. Itinalaga siyang kasapi ng constituent convention para sa paglikha ng Saligang Batas ng 1987 bilang pagkilala sa suporta niya kay Aquino at sa kanyang paninindigan para sa kalayaan sa pamamahayag. Naging kontribusyon niya ang free speech clause sa naratipikahang Konstitusyon, pero nagbitiw din siya sa ConCon dahil hindi niya magawang ikompromiso ang tindig niya sa iba’t ibang mahahalagang usapin kabilang na ang agraryong reporma. Pero higit na hinangaan si Brocka nang siya’y mapiit sa kulungan noong rehimeng Marcos dahil sa pagsuporta sa jeepney strike. Bagamat kaibigan niya si Aquino, hindi siya nangiming tuligsain ito sa pamamagitan ng pelikulang Orapronobis dahil sa pagtindi ng militarisasyon sa kanayunan gayong demokrasya ang pangako ng naunang pag-aalsang EDSA.

Di tulad ni Brocka, hindi nakikita si De Leon sa lansangan at nakikibaka, ngunit hindi maitatanggi ang tapang at talas ng pelikulang Sister Stella L. kung ikukumpara sa iba pa niyang pelikulang may pahaging na komentaryo sa diktadura (maging si Mother Lily Monteverde ng Regal ay napabulalas ng: “komunista na yata ako,” sa isang manunulat matapos mapanood ang prinodyus na pelikula. Binawi niya rin ito at sinabing tama na muna sa paggawa ng mga socially relevant na pelikula matapos langawin sa takilya ang Sister Stella L. Sa kaso naman ni De Leon, kakatwa naman ang pagkuha niya sa proyektong ito na tumatalakay sa labor unrest gayong ganitong uri ng problema ang kinaharap ng kanyang pamilya kung kaya’t nagsara ang pag-aari nilang LVN Pictures ). Sinasabing hubad sa “tatak Mike De Leon” ang Sister Stella L. dahil nakupot ito sa pagiging agit-prop, pero ito rin mismo ang kapangyarihang taglay ng pelikula bilang de-kalibreng obra ng panahon nito, at ito rin ang lakas ni De Leon bilang filmmaker. Waring nangungusap ang pelikula direkta sa manonood: “kung hindi tayo, sino?”

Kung hindi ngayon. kailan?

Sa kabila ng hindi magandang takbo ng industriya ng pelikulang Pilipino, masigla at puno ng optimismo ang independent cinema kung saan sumibol ang mga tulad nila Brocka at De Leon. Maituturing na matabang lupa para sa mga mapagplayang naratibo ng panahon ang kasalukuyang ligalig ng lipunan. Mas nakakaluwag pa nga ang panahon ngayon para makagawa ng mapapangahas pang naratibo ng pakikisangkot sa kalayaang tinatamasa ng independent cinema (walang Mother Lily na aayaw sa mga socially relevant na pelikula) dahil mas mura na ang gumawa ng pelikula kumpara ilang dekada na ang nakararaan.

Isa muling hamon ang gamitin ang kapangyarihan ng sining ng awdyo-biswal bilang matalas na sandata ngayong nahaharap ang bansa sa matinding panunupil ng batayang karapatan. Hakbang tungo sa “demokratisasyon” sa access sa sining nga awdyo-biswal ang pag-unlad ng teknolohiya ng digital video. Sa kasalukuyan, naging mabisa ang paggamit ng midyum na pelikulang dokyumentaryo sa pagsisiwalat ng katotohanan sa panahong sinisikil ang paglabas nito. Patunay ang masigasig na paglabas ng iba’t ibang dokyu mula sa mga grupong Kodao, Sine Patriyotiko, Tudla at Southern Tagalog Exposure. Nagagamit ang teknolohiya ng LCD projectors para maibahagi sa mga komunidad ang mga pelikula at ang mga isyu. Magkagayunman, nagagamit din ang teknolohiyang ito para sikilin ang mismong karapatan sa pamamahyag sa pamamagitan ng paglabas ng propagandang dokyu ng gubyernong Paglaban sa Kataksilan 1017. Ginagamit naman ang powerpoint presentation na Know the Enemy sa mga komunidad at kanayunan para takutin ang mga mamamayan at tugisin ang mga lehitimong nagpapahayag ng pagkadismaya sa pamahalaan.

Tulad noon, hindi rin ligtas ang mismong mga filmmakers sa panunupil. Ilang kasapi ng mga audio-visual groups ang nakulong, inaresto, sinaktan, pinagbantaan at inakusahang terorista habang gumagawa ng pelikula at/o habang pinalalaganap ang kanilang sining sa mga komunidad. Patunay na delikado pa rin ang sining ‘pag isinangkot sa pulitika.

inosente lang ang nagtataka*

Posted February 22, 2007 by haligingasin
Categories: Uncategorized


nang minsang nagbayad ako ng bayarin sa tubig, nakakita ako ng dvd ng pan’s labyrinth. pamilyar ang titulo dahil na rin sa ilang nominasyon nito sa paparating na oscars. duda ako nung una kung magugustuhan ko ito dahil sa hindi naman ako naging fan ng mga fantasy at adventure films. ayon sa ilang nabasa ko sa internet, ang pan’s labyrinth ang kauna-unahang pelikulang na fantasy na na-nominate bilang best foreign language film sa oscars. kaya kahit na nauna ko nang nabili ang dvd ng science of sleep at the queen, nakumbinsi na rin akong kunin ang pan’s labyrinth.
ipinakita ni guillermo del toro kung paano nabasag ang pagkainosente ng isang bata sa panahon ng pasismo at karahasan sa panahon ng diktadurang franco sa espanya. ginamit ni del toro ang mga malalagim na imahen sa mga kwentong pambata (fairy tales) para ipakita ang mas karumaldumal na katotohanan ng reyalidad.
hindi ko maiwasang makita sa katauhan ng malupit na kapitan at sugo ni franco na si vidal, amain ng bidang babae sa pelikula, si jovito palparan, punong berdugo ng rehimeng arroyo. inilarawan sa pan’s labyrinth ang karahasang inihahasik ng sandatahang lakas sa ngalan ng pagsupil sa lehitimong pag-aaklas ng mamamayan. brutal at malupit na tinugis ni vidal ang mga rebeldeng komunista sa kanayunan ng espanya bilang bahagi ng pagsusulong ng adhikain ni franco sa espanya. karaniwang tinutukoy ang pandarahas na ito ng estado bilang pasismo.
kaya pagdating ko sa opisina, agad akong nag-research tungkol sa pasismo. maliban sa pagtukoy sa pandarahas ng estado, hindi malinaw sa akin ang pakahulugan ng konsepto ng pasismo. karaniwang ikinakabit sa konsepto ng pasismo ang totalitarianism. bukod dito, mahalagang salik ng pasismo ang naysunalismo, kolektibismo at bulag na pagsunod sa polisiya ng estado. madalas na ginagamit ang karahasan upang mapuwersa ang mga indibidwal at subject sa mapasailalim sa layon ng estado. isinusulong ng pasismo ang katatagan ng estado sa pamamagitan ng pagkakaisa. malinaw na nakikita ito sa mga ibinandilang islogan ng mga rehimeng marcos at arroyo: bagong lipunan at matatag na republika. hindi na kakatwa na sa dalawang rehimeng ito naganap ang pinakamalalang mga paglabag sa karapatang pantao sa pagsupil.
si palparan ay si kapitan vidal sa totoong buhay. ayon sa duktor ng asawa ni vidal na sumusuporta sa mga rebelde, ang pagsunod sa awtoridad nang di man lang kumukuwistiyon sa motibo at rationale ng mga utos ay ginagawa lamang ng mga tulad ni vidal. at ni palparan. di minsang pinapurihan ni arroyo si palparan sa pagsusulong nito ng kontra-insurhensyang programa ng pamahalaang arroyo. hindi ko malilimutan ang mga brutal at karumaldumal na mga larawan ng mga pisalang na aktibista sa mindoro na paulit-ulit kong napanood noong ginagawa ko ang hindi ko natapos na thesis.
kamakailan lamang, mismong si philip alston, espesyal na rapporteur ng UNHR hinggil sa mga extrajudicial na pamamaslang, ang nagbigay ng pahayag na nagdidiin sa rehimeng arroyo sa pagkunsinti nito sa pamamaslang sa mga aktibista at mamahayag. tinukoy mismo ni alston ang accountability ng afp at ng rehimeng arroyo. gayunpaman makikita na hindi lamang kinukunsinti ni arroyo ang mga pamamaslang kundi inuudyukan pa nito sa pamamagitan ng paglulunsad pa ng mas mababangis pang kontra-insurhensiyang programa at mapanupil na batas gaya ng ant-terrorism bill.
isang mahalagang elemento ng pan’s labyrinth ay ang konsepto ng panahon at memorya. malilmit na pinakikita na minamasdan ni vidal ang kanyang orasan. nabanggit sa pelikulang na nang mamatay ang amang sundalo ni vidal sa isang digmaan sa aprika, sinira nito ang sariling orasan para mapahinto ito. ginawa ito ng nakatatandang vidal para sa imortalisasyon ng kanyang kagitingan na ipinamana sa anak. ang pang-alala ay sandata. ngunit mapaniil ang kolektibong gunita kung kinapon mula sa konteksto ng kasaysayan at interes ng nakakaraming pinagsasamantalahan. ginamit din ng mga diktador na sina hitler at marcos upang pagbuklurin ang lipunan tungo sa abstraktong konsepto ng nasyunalismo.
hindi ko inaasaahan na ganitong mga konsepto ang makukuha ko mula sa isang fantasy film. mayroon pa rin namang mga butas/flwas ang pan’s labyrinth, pero hindi maikakaila na hindi lamang hungkag na pagka-aliw ang makukuha sa pelikula.

* pasintabi sa the wuds at kay ana morayta

"…that he might jump— that he sees how in one moment he could choose such an action."-sartre*

Posted February 16, 2007 by haligingasin
Categories: Uncategorized

dumating siya sa panahong pinakabulnerable ang Tao.

sa kalagitnaan ng pag-aayuno, hinamon niya ang Tao. pinulot niya ang malamig at makinis na bato sa kanyang paanan at inilapat sa nakalahad na palad ng Tao:

“alam kong magagawa mo ito. ibsan ang gutom, gawing tinapay ang bato!”

nanuot ang lamig ng bato sa palad ng Tao– gumapang sa kalamnan at buto, hanggang marating ng panlalamig ang sikmura. sa unang pagkakataon, tinanggihan siya ng Tao.

inilipad niya ang Tao sa taluktok ng bundok. ipinamalas niya ang lawak ng lupalop.

“malasin mo ang iyong kaharian! saklaw mo anuman ang abot ng iyong tanaw.”

sinakmal ang Tao ng pagkalula. pakiramdam nito napuno ang baga ng sanlibong ipo-ipo. kaylawak ng kanyang saklaw. at siya, ang Tao, ay kaymumunti para sa lahat ng ito. di sasapat ang palad ng Tao para ang lahat ng ito’y magagap. di niya ito matatanggap.

di siya nakuntento. dinala niya ang Tao sa bingit ng bangin. at sa huling pagkakataon, hinamon ito:

“magpatihulog ka! tawagin ang mga anghel sa kalangitan at ika’y sagipin!”

umugong ang hangin mula sa kanluran at ibinudyong ang pangalan ng Tao sa sanlupalop. hindi natinag ang Tao. halos madali ng lintik na kidlat ang tagiliran ng Tao. hindi pa rin ito natinag. bumuhos ang malakas na ulan. ngunit hinding-hindi natitinag ang Tao.

magkagayunman, nahihintatakutan ang Tao. hindi lamang sa posibilidad na siya’y magpatihulog. higit sa lahat, nalula ang Tao sa kapangyarihan niyang taglay. sa tayog nang narating. sa kawalang hanggan. sa magkatuwang na pagnanais sa kapangyarihan at katubusan. dito, sa puwang na ito sa ubod ng Tao, dito siya nanahan magpakailanaman.

ang nais lamang ng Tao ay maisalba ang sarili. sa bingit ng bangin. sa pagdarahop. sa kawalan ng pag-aari.

paminsan-minsan, nahuhuli ng Tao ang sarili na lihim na nagsasanay sa paglikha ng tinapay mula sa bato. siya, ang Tao, ay tao lamang. at kung magawa man ng Tao ang magpatihulog, iyon ay hindi dahil gusto niyang siya’y maisalba pa. batid ng Tao hangga’t nanahan sa puso niya ang takot, ang pangamba, hindi darating ang inaasam niyang katubusan. di niya magagawang magpatihulog. hindi.

—-
*pasintabi kay VJ Rubio

The Ultimate Survivor

Posted December 24, 2006 by haligingasin
Categories: Uncategorized

Una ko siyang nakilala isang Sabado ng hapon noong Setyembre 2002. Kagagaling lang namin sa isang piket sa Camp Aguinaldo para gunitain ang ika-30 taong anibersayo ng deklarasyon ng Batas Militar. Inanyayahan siya ng organisasyon ko noon para sa isang hapon ng kape at kuwentuhan sa taluktok ng Vinzons Hall. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa payong, bukod kasi sa makulimlim, nagsisilbing tungkod na rin niya ang payong sa pagpanik sa ika-apat na palapag ng Vinzons.

May tatlumpu siguro kaming taimtim na nakikinig sa mga kuwento niya. Sariwang-sariwa pa sa kanya ang mga pangyayari noon. Binuod niya sa amin ang mapait niyang karanasan sa isang tula na siya mismo ang sumulat. Parang nararamdaman pa rin niya ang mga tadyak at kulata sa kaniyang tagiliran sa pagsambit niya ng bawat kataga. Sabik na sabik akong itanong sa kanya kung kilala ba niya ang mga tauhang dati-rati’y nababasa ko lang sa mga libro. Nabanggit ko ang pangalan ni Lorena. “Si Lorie,” wika niya at biglang naglumiwanag ang mga mata niya. Naalala niya ang mga dating kasama at kaibigang dumating at lumisan ngunit nag-iwan ng pitak sa kanyang puso at tatak sa mahabang tradisyon ng pakikisangkot at pakikibaka.

Hindi lang ito ang naging laman ng huntahan noon. Sa kanya ko natutunan ang hindi paglalagay ng asukal at cream sa brewed coffee. Iginugupo na rin kasi siya ng panahon at ng kanyang katawan. Hindi na naghilom ang mga sugat niya sa binti na kanyang natamo nang ma-ambush siya noong dekada ’80. Ang kwento pa nga, mayroon pang shrapnel na naiwan sa kanyang ulo. Magkagayunman, nagpapatuloy pa rin siya.

Hinikayat niya rin kaming maging vegetarian at huwag tangkilikin ang mga dairy products dahil sa masamang epekto hindi lamang sa tao kung di maging sa mga hayop na inaabuso sa ngalan ng mass production. Ganun na lamang ang pangangalaga niya sa kanyang katawan kaya’t katakatakang madali na siyang iginugupo ng mga sakit na kumakapit sa kanya. Hidni man niya ako nakumbinseng maging vegetarian, maraming bagay na rin ang natutunan ko mula sa hapong iyon.

Muli ko lamang siyang nakasalamuha nang mag-prerog ako sa klase niya sa PI noong 2004. Siguro hindi na niya ako natatandaan dahil sa madalas akong late o di kaya absent dahil alas-7 ang klase ko sa kanya. Laking gulat ko na lamang nang tawagin niya ako sa klase para i-congratulate nang mapili ako para pamatnugutan ang dyaryo. Kilala pala niya ako. Kilala pala niya ang bawat isa samin. Matalas pa rin ang memorya niya. Bukod sa gagap niya ang leksyon sa bawat session, kayrami niyang kuwentong ibinabahagi. Pinagsisihan kong madalas akong late at hindi naririnig ang bawat kuwento niya. Pakiramdam ko noon, kayraming bagay ang nais niyang ibahagi sa amin, higit kay Rizal, higit sa mababasa namain sa libro at readings.

Hindi na ako nakabawi sa kanya. Nang sunod na kunin ko bilang elective ang isang kursong itinuturo niya, lalong dumalas ang pag-aabsent ko. Ang laki ng tampo niya sa amin ng ilan kong kaklase dahil madalas na nga kaming wala, bihira pa kaming magsalita sa klase. Iyon pa naman daw ang pinakamabisang propaganda. Isa pang kasalanan ko sa kanya ay ang pagbinbin ko ng mga requirements sa subject na iyon. Kaya ganun na lamang ang panlalamig niya sa akin nang magpasa ako sa kanya ng completion form. Doon ko lang napansin ang pamamalat ng kanyang boses. Nagiging madalas na ang pagkawala ng boses niya at nagiging bagahe na sa kanya ang pagsasalita. Pero dahil sa dedikasyon niya, patuloy pa rin siyang nagtuturo sa kabila nang paghihirap niya sa pagsasalita.

Naging magaan na lang uli ang pakitungo niya sa akin nang iabot ko sa kanya ang isang poetry zine na gawa ng mga kaibigan bilang pagtugon noon sa deklarasyon ng state of emergency. Parang na-reassure ko siya kahit papaano na may pag-asa pa. Na kahit madalas ay binibigo namin siya, ay nagagawa pa rin naming ipakita na mahal din namin ang bayang ito katulad ng ipinamalas niyang pagmamahal dito. Hindi man namin mahigitan, magawa man lang naming bantayan ang kalayaang ipinaglaban niya nang maraming taon. Iyon ang inaasahan niya sa amin at sa mga susunod pa.

Kanina, muli ko siyang nakita ilang oras bago mag-Pasko. Bagamat tinutulungan ng aparato, lumalaban pa rin siya para magpatuloy. Wala man ang pamilya niya rito, matiyaga siyang binabantayan ng mga dating estudyante, kasama at kaibigan sa unibersidad at paaralan ng lansangan. Mga taong minsan niyang nakahuntahan, nasermunan at nabigyan ng aral. Sir Nic, hindi kayo nag-iisa, kasama niyo pa rin kami sa laban niyong ito. Hihintayin po namin ang inyong paggaling. Mahal namin kayo.

Kaligta

Posted November 15, 2006 by haligingasin
Categories: Uncategorized


I.
Itong paglingon
ay hindi simpleng pagbabaliktanaw,
hindi paghinto sa paglalakad dahil inabutan na ng hingal
hindi ganap na pagtalikod sa mga bagay na ‘di magawang harapin.

Itinakdang maging haliging asin sa Sodom
ang sinumang ipipihit ang leeg
para masdan ang pagkaagnas ng lungsod,
ng panahon at pagkakataon.
Ngunit isinumpa naman ng mga matatanda
na walang patutunguhan
ang mga di alintana ang pinanggalingan
ang mga di nagawang mamaalam.

Ang muni ng sandali
ay hindi kontra sa agos ng pag-unlad.
Hindi ako inaantala ng saglit.
Binabalisa ako ng pagkainip.

Ang paglingon kong ito
ay hakbang palabas sa kandili ng pananatili
pagbalikat sa bigat ng pag-alala
pagbalikwas sa halos natural nang proseso ng pagkaligta.


II.

(Nag-iiwan ng mga patlang at puwang
ang pagsapit ng gunita sa kalagitnaan
ng mga pangungusap at parirala.
Lihim na nililimot ng dila
kung paano bigkasin ang iyong pangalan.)

III.

Napagdesisyunan ko nang samsamin ang lahat ng mga gamit sa ibabaw ng kama. Hindi ko na magawang piliin kung alin ang dapat maiwan: huling nobela ni G na isinantabi at itinupi ang pahina ng Kabanata XV, kalawanging makinilyang natanggalan ng letrang A, salamin sa matang bali ang kaliwang tangkay, pinagbalatan ng mga regalo ng mga nagdaang pasko, anino ng kung sino na maingat na tinupi, dangkal-dangkal na polyetong di naipamudmod sa huling rali, talinghagang hiniram nang walang paalam, at buntonghiningang itinago sa kahon ng sapatos. Inempake ko nang lahat sa maleta bago mahigpit na ikinando.

Pumara ako ng taksi. Isinakay ko ang maleta sa likod nito. (Talaga nga palang kaybigat ng mga katawang nilagutan na ng hininga.)

“Nagtahan po.” Kumaripas ang taksi. Pumaspas ang metro. Naiwan akong nakatulala sa bintana.

Pumara ako pagdating sa eksaktong kalagitnaan ng tulay. “Bawal po.” Iniabot ko ang lamukos na pera. Nagkamot ng ulo ang drayber. Ibinaba ko ang dalang bagahe.

Hindi ko na kailangang ihagis. Sapat na ang bilis na itinakda ng pwersa ng grabedad. Sumisid muna ang maleta ng dalawang talampakan bago lumutang at mabagal na nagpatianod sa daloy ng maputik na ilog. (Ano nga ba ang tinig ng nalulunod? Magawa pa kayang tumakas ng mga salitang hindi nabigkas?)

Sinundan ko ng tingin ang maleta hanggang sa matawid na nito ang kabilang panig ng tulay. Madaling araw na nang maabot ng maleta ang dulo ng aking tanaw. Napagpasiyahan ko nang pumara ng dyip.

Pagdating ko sa bahay, dinatnan ko ang sariling sa sala pa rin nahihimbing.

__________________________
ang larawan ay mula sa cover ng “the ballad of sexual dependency,” koleksyon ng photographer na si nan goldin

antala

Posted September 16, 2006 by haligingasin
Categories: Uncategorized

Isang linggo na ang nakakraan nang balikan ko ang pagthethesis. Hanggang ngayon kahit nga intro part ng thesis ay hindi ko pa tapos. eto talaga ang ultimate karma, o dharma nga ba? for that, tinulaan ko na lang monitor ng computer, sakaling makipag-cooperate na ako sa kanya…


Oda sa di matapus-tapos na thesis

i.
Patawarin nawa ako kung ihalintulad ko
itong pagka-antala
sa inilulunsad na istratehiya:
pagguhit ng bilog
paglipol sa tiwali
pagpapanibagong hubog
paggapi sa mga kaaway ng gabi

ii.
Ang aksyong ito’y taktika ng dibersiyon.

iii.
Humihikab na ang bentilador
sa mabagal na tikatik ng pihikang titik.
Mas madalas pang nalilimas
ang mga salitang ayaw lumabas.

iv.
Katwiran ko’y kayraming tulad ko sa bayang ito,
samantalang ang mga dekampanilya’y tinutuya.

v.
Iba ang pag-iinat sa pagbabanat.
Ang una’y para magising,
ang isa nama’y para mabuhay.

2:02 am; 17 Setyembre 2006
Kalye Burgos

voice louder than mine

Posted July 19, 2006 by haligingasin
Categories: Uncategorized