mga manunulat ng kanilang panahon
Rage, rage against the dying of the light.”
-Dylan Thomas, Do Not Go Gentle Into That Good Night
kina Sir Nick at Sir Rene, maraming salamat.
—
Tatlong Tula ni Monico Atienza
KAIBIGAN XIV
Bawat salita’t panalita
ay may teorya, maiteteorya;
maipaliliwanag, malilinaw,
ibig sabihin.
Pagtulang biseral o serebral,
meron din; di nakakaiwas
pati paglulubid ng buhangin.
Pagkapayaso ko’t tangkang tulain
sa silong teorya’y salikop din;
kundi nga, di na ta konsistent.
Salita’t panalitang nakararami,
di dapat pigilin dapat alamin;
mapaglimi, usisain.
Sila ma’y may sasabihin,
sinabi na nga—maging
ang pinakamunti, pinakamangmang.
Pigilin ang teorya’t pinatay mo sila.
29.VII.93
KAIBIGAN XV
May salita ang maliit at mangmang,
di lamang sa DESIDERATA—
sa totoo at lipunan man,
maniwala ka Kaibigan.
Mas madalas ay may puntirya,
nakaangklang kamalayan,
minumunti man, minamangmang.
May teorya nga’t pagteteoryang
tuntunga’y riyalidad,
bumabago at nagbabago
sa praktika ng buhay,
produksyon at pakikitalad;
di nga pormal dahil di akademiko,
di “panlibro” dahil panalita.
Ng kontekstong karanasang
sapupunan ng pagwika.
Ang sa aki’y panagimpan,
sa payasong paninimbang—
pagpilosopo ng mangmang.
29.VII.93
KAIBIGAN XXIX
Batas-buhay ang sigalot,
mula maliit tungong malaki
ng daigdig at lipunan:
wika mo nga kay Ibarra—
may nais ding pagbabago,
sistemang walang galit
bawat isa’y nasisiyahan;
Iyong mawiwika: ng langit sa lupa.
Di nagbait ang lipunan,
walang patid ang pagtugis
sa repormang ninanais.
hanggang dulo kung magngalit;
Walang pintong di pininid,
mga sinta’y pinagsakit;
hinati ang mga ina
mga ama’y pinipilan;
Kalupaa’y di naglangit
sa susog ng panaginip;
paghahari’y nagpatuloy.
Kalaguyo ang sigalot.
(kinuha mula sa pinoyweekly.org)
—
Tagulaylay ng Republika
(Sa SONA 2006)
Rene O. Villanueva
Bawat singasing ay lagim ang hatid ng motorsiklo –
Bawat sibad: luksang-lambong sa dinahas na panimdim!
Bawat ungol ng makina ay halakhak ng salarin
Ng estadong kumukutya sa konsensiyang tumututol
Sa kawalang katarungan, kalayaang isinangla.
Itong baya’y walang habas, walang awa kung gahisin!
Ayy!
Ilang buhay pa ang dapat ibuwis ng mamamayan?
Ilang hibla ng hininga ang dagliang puputulin?
Ilang murang pangarap pa’ng papaslangin nang pataksil?
Ilang dugo ang dadanak? Ilang ulit kukutyain
Ang daing ng abang bayang walang awa kung paslangin?
Ayy! Ayy!
Bawat haginit ng punglo’y malupit na kamatayan;
Bawat sibad na palayo, nakatakas na kriminal;
Bawat taksil na harurot – pagtakas ng motorsiklo;
Bagong utang nitong buktot na gobyerno ni Arroyo!
Panibagong kasalanan sa lugaming taong-bayan,
H’wag na h’wag lilimutin: Magbabayad ang may utang!
AY! AY! AY!
Pahirin na ang panimdim: dalamhati ay tiklupin.
Di luha ang magbabangon sa pinaslang nang pataksil.
Hindi panimdim ang tugon ng nabalo’t naulila –
Kundi suklam, galit, poot: nagpupuyos, maniningil.
Lahat tayo ay tumindig at marilag na usigin;
Buktot-taksil, pagbayarin! Araw na ng paniningil!
Ay! Ay! Ay! Ayy!
Mula sa “Subverso”, Mga Tula at Kuwento Laban sa Politikal na Pandarahas, publikasyong iglap ng CONTEND-UP